WILDCARD EDITION: Ang Tagumpay Sa Muling YAPAK

Updated: Sep 10




Matatandaan natin na noong ika – 28 ng Marso hanggang ika – 11 ng Hunyo sa taong ito ay nagdaos ang YAPAK London ng kanilang kauna-unahang spoken word poetry competition na nilahokan ng 300 mga kabataan sa Pilipinas mula 15 hanggang 35 taong gulang. Mula rito ay pumili sila ng 15 kabataan na mapapasali sa shortlisted na kinalaunan ay pinanalunan nina Christian Padil (1st Placer), Jerome Lois Esguerra (2nd Placer), J-Paolo Jabagat (3rd Placer), Martin Naling (Judges Choice Award), Emmanuel Enriquez (Impactful Poem Award), at Lance Francisco (Best Solo Award).


Ngunit makalipas lang ang dalawang araw matapos i-anunsyo ang mga nanalo ay isa na namang pasabog ang binitawan ng organisasyon na talaga namang nagpayanig sa mga isipan at nararamdaman ng mga kabataang lumahok. Mula ika -13 hanggang ika-22 ng Hunyo ay isa-isa nilang ipinost ang mga lugar ng mga kabataan na mapapasali sa kanilang #WILDCARDEdition. Ang mga lugar na ito ay Laguna, Eastern Samar, Camarines Sur, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Iloilo, Puerto Prinsesa, Malabon at Rizal. Mas lalo pa itong kinasabikan dahil ibinunyag lamang ang mga pangalan sa pagsapit ng ika - 3 hanggang 7 ng Hulyo o makalipas ang 11 araw. Ang mga nakapasok sa Top 20 ay sina: (1) Daniel Palagtiw ng Quezon; (2) Carlo Reyes De Jesus ng Malabon; (3) Nechole Jayne Garcia ng Nueva Vizcaya; (4) Mekka Ella Decenilla ng Camarines Norte; (5) Joseph Canoy ng Eastern Samar; (6) Michael Andrei Velasco ng Camarines Sur; (7) Raymond Tasoy ng Nueva Ecija; (8) Mahalin Galleon ng Pampanga; (9) Mc Kevin Dubria ng Bacolod; (10) Loween John Seloterio ng Iloilo; (11) Ciara Alessandra Castillo ng Guimaras; (12) Leo Serdenia Jr. ng Rizal; (13) Madelyn Cudal ng Zamboanga; (14) Ofelia Capariño ng Caloocan; (15) Karl Gerrick Opiala ng Puerto Prinsesa; (16) Jed Yutuc ng Pampanga; (17) Ivan Yuri De Leon ng Pasig; (18) Dominic Mora ng Calamba; (19) Jericho Valencia ng Bataan; at (20) Megalyn Gotiza ng Laguna. Ngunit bago matapos ang buwan ng Hunyo ay nabawasan ng lima ang mga kalahok. Ang mga nakapasok sa Top 15 ay sina Gotiza, Yutuc, Velasco, Capariño, De Jesus, Galleon, Serdenia, Palagtiw, De Leon, Cudal, Canoy, Castillo, Valencia, Seloterio, at Dubria.


Bago i-anunsyo kung sino ang mga nanalo ay naging panauhin muna ang Top 15 sa ilang episode ng panibagong YAPAK Talk Show na ginanap nitong ika –10 hanggang 12 ng Agosto at ito ay live na pinanood sa Facebook at YouTube. Ang layunin ng programang ito ay kilalanin at mapakinggan ang mga kuwento ng mga kabataang sumali sa Yapak at magbigay inspirasyon sa nakararami. At nito lamang ika – 15 ng Agosto ay naibunyag na kung sino ang mga mapapalad na nanalo at nabigyan ng parangal. Sila ay sina Carlo De Jesus (1st Placer), Ofelia Capariño (2nd Placer at Most Number of Engagement on Twitter), Jed Yutuc (3rd Placer, Most Number of Views on Website, YouTube and Instagram, at Most Number of Engagement on Facebook), Daniel Palagtiw (Judges’ Choice Award), Mahalin Galleon (Best Solo Piece Award) at Ivan Yuri De Leon (Most Impactful Award).


Ang mga nanalo ay nagwagi ng salapi na inaasahan ng grupong makatutulong kahit papaano sa kanila at kanilang pamilya. Ang mga salaping papremyo ay na-solicit ng YAPAK founders sa mga galanteng tagasuporta ng mga ito.


“Sa daming mga manunulat talagang hindi ako makapaniwala na makaaabot ako sa ganoong estado. Napuno man ng kaba pero napalitan ito ng kapasalamatan sa taas, sa mga taong talagang sumuporta sa akin sa loob ng isang buwan. Sa oras na iyon, nag- isip agad ako kung paano ko mababalik ang kapasalamatan.

Kung kaya’t dalawang araw mula nung matapos ang patimpalak, gumawa ako ng booklet [na] naglalaman ng aking mga akdang tula para sa bata, ipinamahagi namin ito ng libre kasabay ng kaunting pagkain upang maipadama ko ang kagalakan na aking natamo sa mga taong sumusuporta sa aking lakbayin sa pagsusulat.


Maraming salamat sa Yapak na naging tulay upang mahasa at maiparamdam sa atin na kaya natin magbigay ng pag-asa sa pamamagitan ng pagsusulat ng tula. ‘Wag lamang tumigil. Maraming salamat muli, hangad ko ang makatulong at mapabuti ang samahan sa Yapak. God bless you!” – Jed Yutuc


Ngunit hindi lang ulit diyan nagtatapos ang mga inihaing sorpresa sa atin ng YAPAK. Ating patuloy na antabayanan ang mga ihahandog nila sa mga kabataan sa kanilang Yapak Talk Show na matutunghayan tuwing makalipas ang dalawang linggo. Sama-sama nating muling antabayanan ang susunod nilang yapak ng tagumpay.



62 views

© 2020 Yapak London