Vanessa Macamos ng Bulacan

YAPAK OFFICIAL Finalist 4: Harapan ni Vannessa Macamos ng Bulacan




Ako si Vannessa Macamos mula sa lalawigan ng Bulacan kung saan ipinanganak din ang tanyag na manunulat at makatang si Francisco Balagtas. Kilala rin ang Bulacan dahil sa natatanging ambag nito sa ating kasaysayan lalu't higit dito sa Barasoain Church sa Malolos, Bulacan idinaos ang pagsilang at pagtatatag ng unang Republika ng Pilipinas. Marami akong maipagmamalaking lugar sa amin na maaaring pasyalan tulad na lamang ng Mt. Balagbag sa San Jose Del Monte, Ipo Dam sa Norzagaray, Biak na Bato National Park sa San Miguel at marami pang iba.


Marami ang nakaimpluwensiya at nakapagbigay sa akin ng inspirasyon upang tumula at magpatuloy pang na gumawa ng tula. Ang mga taong ito na piniling gamitin ang kanilang talento, karunungan, at kakayahan upang makapagbukas ng isipan at makapagbahagi ng dunong sa iba. Silang mga hindi natatakot magpahayag ng damdamin at maisaboses ang kanilang mga hangarin.


Bukod naman sa PH Frontliners, tumayong inspirasyon din sa akin ang mga kapwa nating malapit nang sumuko at umayaw sa laban. Sa gitna ng pandemya, silang mga nawawalan ng pag-asa ang isa sa mga tumatak sa aking isipan (ang mga pasiyente at kanilang mga mahal sa buhay, mga taong gutom at uhaw ang inabot, mga nawalan ng trabaho at iba pang pagkakakitaan), kaya naman sa huling bahagi ng aking tula, sinabi ko roon na huwag silang mag-alala dahil darating din ang inaasam na pag-asa, darating din sa atin ang umaga.


Ang maipapayo ko naman sa mga kabataang nais lumahok sa ganitong patimpalak o hindi kaya'y gamitin ang kanilang talento sa pagsulat at pagtula ay magpatuloy lamang. Kung nawawalan ng gana at hindi na makita pa ang halaga ng ginagawa, huminto ka muna, huminga at subukang balikan ang dahilan kung bakit ka nga ba nagsimula, para saan nga ba ulit ang ginagawa mo, para kanino? Para sa'yo ba, para sa minamahal mo o para sa ibang tao?


Tandaan na hangga't walang pagsalungat sa mapaniil na sistema ng lipunan, hindi ito matatawag na tula, hangga't walang paghamon sa mga ideyang umaagaw ng ating kamalayan, hindi ito matatawag ng tula, hangga't walang paglaban sa tanikalang pumipigil sa ating magkaroon ng sariling tinig, hindi ito matatawag na tula. Kaya naman magpatuloy ka kaibigan, kailangan ka ng iyong bayan.”








Ang YAPAK ay isang boluntaryong grupo na naka-base sa London, United Kingdom, at ang isa sa mga mithiin na makamtan nito ay ang magbigay ng pagkakataon sa mga kabataang manunulat na mailathala ang kanilang mga obra sa isang eBook, bilang pagpupugay sa mga bayaning PH Frontliners. Marami pa kaming mga proyekto na maaari mong salihan, i-like or follow mo lang ang page na ito YAPAK


MABUHAY KA!



© 2020 Yapak London