Stefano Morris ng Biñan

YAPAK OFFICIAL Finalist 5: Tatlong Daliri, Taas Noo ni Stefano Morris ng Binan




“Ako si Stefano Morris na taga Biñan City, Laguna kung saan matatagpuan ang sikat na Puto Biñan at iba't ibang kakanin na hilig nating mga Filipino. Higit lalong ipinagmamalaki ng aming lugar ang pangkabuhayan na tumutulong sa mamamayan niyo tulad ng paggawa ng sapatos at iba't ibang bagay na gawa sa pinatuyong water lily. Dito rin matatagpuan ang eskuwelahan ng ating magiting na bayani na si Dr. Jose P. Rizal. Sa apat na taon ko sa larangang ito, higit at lubos na tumutulak sa akin na ipagpatuloy ang pagsusulat ay ang aking pamilya at karanasan na patuloy humuhubog sa akin kung sino man ako ngayon.


Bukod sa PH frontliners, bilang isang mag-aaral sa Politeknikong Unibersidad ng ating bansa, higit na nagbibigay sa akin ng inspirasyon ang mga kabataan na magsisilbing lider ng susunod na henerasyon at bayan na aking kinabibilangan.


Ang mapapayo ko lamang sa mga kabataang nais lumahok sa ganitong patimpalak, isipin nila ang layunin at ang mabuting dulot nito. At isa alang alang ang kahalagahan ng bawat salita na maaaring makaimpluwensiya sa bawat isa. At para sa mga nawawalan ng gana sa pagsusulat, ang kawalan ng gana rito ay tanda ng pagtalikod sa katotohanan. Nais kong ipaalam sa kanila na ang pagsusulat ay bahagi ng buhay na dapat ikarangal at ipagmalaki sa lahat. Tandaan kapag nawawalan ng gana sa pagsusulat, isipin lamang ang kalagayan ng bansa, ng mga kabataan at ng sarili mong kalagayan. Ipagpatuloy ang pagsusulat dahil ito ang sa baya'y magpapamulat.”







Ang YAPAK ay isang boluntaryong grupo na naka-base sa London, United Kingdom, at ang isa sa mga mithiin na makamtan nito ay ang magbigay ng pagkakataon sa mga kabataang manunulat na mailathala ang kanilang mga obra sa isang eBook, bilang pagpupugay sa mga bayaning PH Frontliners. Marami pa kaming mga proyekto na maaari mong salihan, i-like or follow mo lang ang page na ito YAPAK


MABUHAY KA!




© 2020 Yapak London