Pagbabalik ng Kahapon
Updated: Jun 30, 2020
Pagbabalik ng Kahapon ni Jemerick D. Emaas ng Naga City

Kasabay ng dilim na dala ng gabi
Ang liwanag ng buwan na lumapit sa aking tabi
Ginugunita at nag-mumunimuni
Sa mga araw na di ko makita ang aking silbi
Biglang umikot pabalik ang kamay ng orasan
Mga larawan ng hirap na naranasan
Pait at pighati man ang matagal na pinasan
Kahit sariwa pa ang mga sugat, patuloy pa ding lalaban
Mga manunuligsa ay biglang nagsilabasan
Sa sulatan man o madugong labanan
Isa lamang ang naging sandigan
Kung 'di ang tapat at buong panindigan sa bayan
Muli tayong bumabalik sa nakaraan
Isang mapanghamong pangyayari kaibigan
Disiplina at panalangin lamang ang kailangan
Pilipinas, patuloy ang bayanihan!
Nakapaang tinatahak ang masukal na landas
Mga kabataang inaasahan ng isang pantas
Namulaklak na tulad ng isang rosas
Busilak at puno ng pag-ibig na wagas
Liwanag ng araw ay muling sumikat
Pagkasabik at init ay dumampi sa 'king balat
Aral mula sa nakaraan ako'y minulat
Aking silbi pala'y maghayag sa pamamagitan ng pagsusulat