Lance Francisco ng Cavite

YAPAK OFFICIAL Finalist 13: Maskara ni Lance Francisco ng Cavite




“Ako si Lance Francisco, 21 taong gulang mula sa Dasmariñas, Cavite. Ang dalawa sa pinagmamalaking pook-pasyalan ng aming lalawigan ay ang Aguinaldo Shrine sa Dasmariñas, at ang Picnic Groove naman sa Tagaytay kung saan maaaring tanawin ang ikalawa sa pinaka-aktibong bulkan sa Pilipinas–ang Taal Volcano. Nahiligan kong gumawa ng mga tula upang mapalaya ang aking damdamin gamit ang mga salita. Gayundin ay palayain ang damdamin ng mga nakakakarinig sa isang malikhaing pamamaraan.


Inspirasyon ko rin ang bawat di-pangkaraniwang istorya na gusto kong mailahad para sa iba. Bukod sa PH Frontliners, ang dahilan ko para sumali sa patimpalak na ito ay ang mga taong naniniwala sa akin, maging ang aking sarili na kaya kong ipakita ang aking talento sa lahat. Ngunit katulad din ng karamihan ay nag-umpisa lamang ako sa simula. Isa ako sa maraming nangangarap na pagyabungin ang kanilang talento. At ang tangi kong maipapayo sa mga gustong sumali sa kompetisyon katulad nito ay huwag panghihinaan ng loob. Ang pagkakataong sinubukan mong lumaban ay isa nang tanda na panalo ka na dahil mayroon kang babaunin na karanasan at pagkatuto sa habang-buhay. Katulad lang din ako ng iba.


Minsan na rin akong nabigo o nawalan ng gana upang ipagpatuloy ang aking talento. Ngunit mas pinanghawakan ko ang passion ko sa pagsusulat. Ang tanging sikreto ko lamang para maging epektibo sa ganitong larangan ay nananatiling pinaalab ang aking sarili at patuloy na natututo mula sa aking mga karanasan. Binibigyang diin ko rin ang pagkakaroon ng lakas ng loob upang magsimula dahil ito ang magbibigay sa'yo ng daan upang tahakin ang bawat oportunidad. Kaya para sa mga kabataang nagmamahal at nangangarap, huwag kang susuko. Isa ako sa mga naniniwala na kakayanin mong tumayo sa sarili mong mga paa upang ipamalas ang iyong mga talento. Gawin mong inspirasyon ang mga mahal mo sa buhay– mga taong patuloy na susuporta sa'yo at sana'y lagi kang maging mapagkumbaba sa bawat pagkakataon. Humulma ka ng yapak patungo sa iyong mga pangarap. Walang madaling daan sa pagtahak nito ngunit sulit ang tagumpay nitong kapalit. Mabuhay ka!”








Ang YAPAK ay isang boluntaryong grupo na naka-base sa London, United Kingdom, at ang isa sa mga mithiin na makamtan nito ay ang magbigay ng pagkakataon sa mga kabataang manunulat na mailathala ang kanilang mga obra sa isang eBook, bilang pagpupugay sa mga bayaning PH Frontliners. Marami pa kaming mga proyekto na maaari mong salihan, i-like or follow mo lang ang page na ito YAPAK


MABUHAY KA!




© 2020 Yapak London