Jerome Lois Del Rosario Esguerra ng Malabon

YAPAK OFFICIAL Finalist 6: Kumusta ni Jerome Lois Esguerra ng Malabon



“Ako si Jerome Lois del Rosario Esguerra na siyang nagmula sa lungsod ng Malabon, na kilala sa pagkakaroon ng mga masasarap na pagkain katulad ng sikat na Pancit Malabon at kakanin na sadiyang nakatatakam. Maraming bagay ang nagawa akong maimpluwensyahan sa pagsusulat ng tula, katulad ng aking ina at ama na silang ring mga manunulat, ang iniidolo ko sa pagtatanghal ng tula na si Juan Miguel Severo, ang aking mga mambabasa na tinatawag kong mga paniki na silang patuloy na sumusuporta mula noon hanggang ngayon at siyempre ang lipunan. Hanggang may usaping kailangang tumbukin ay isinusulat ko ito sa pamamagitan ng tula.


Bukod sa PH Frontliners naging inspirasyon ko sa pagsali rito ang mismong krisis na nagaganap ngayong may lumalaganap na pandemya, higit na kinakailangang magkaroonn tayo ng partisipasyon sa mga ganitong uri ng patimpalak na may magandang layunin sa mga ganitong panahon, hindi katanggap-tanggap na dahilan na malimitahan ang ating mga kayang magawa dahil lamang sa tayo ay humaharap sa malubhang problema ng bayan at ng buong mundo.


Ang mapapayo ko lamang sa mga kabataan na nais lumahok sa ganitong patimpalak ay gamitin nawa nila ang kanilang talentong ipinagkaloob ng Panginoon sa mabuti at maayos na pamamaraan, higit na mahahasa ang kanilang abilidad sa pagsusulat at pagtatanghal kung magtitiwala sila mismo sa kanilang sarili bago pa man sila sumali dahil walang silbi ang papuri at pagtitiwala ng iba kung maging ikaw mismo ay nag-aalangan ka sa kakayahang kaya mong magawa. Mapapayo ko lang sa mga kabataan ay patuloy sana nating patunayan na tayo nga ang siyang pag-asa ng ating bayan, nawa ay hindi iyon manatiling kasabihan na lamang sapagkat sa oras na tayo ay magkakamali tunay ngang maraming paraan upang bumawi at magsisi ngunit hindi ito dahilan upang maging kampante tayo sa ating sarili.”








Ang YAPAK ay isang boluntaryong grupo na naka-base sa London, United Kingdom, at ang isa sa mga mithiin na makamtan nito ay ang magbigay ng pagkakataon sa mga kabataang manunulat na mailathala ang kanilang mga obra sa isang eBook, bilang pagpupugay sa mga bayaning PH Frontliners. Marami pa kaming mga proyekto na maaari mong salihan, i-like or follow mo lang ang page na ito YAPAK


MABUHAY KA!




© 2020 Yapak London