"HAGDAN"

Ni : Emma Rose Semira


Rinig ang sariling yabag pataas ng hagdan,

Biglang natapilok at di naka bangon ng agaran,

Maraming mata ang nanlilisik habang ikaw ay tinititigan,

At mga boses na naririnig habang nagtatawanan.

Nag dalawang isip kung magpapatuloy pa nga ba,

Nagpumilit makabangon galing sa pagkakadapa,

At sa aking pagbangon may ilaw na naaninag at aking tinitigan,

Isang gintong tropeyo ang nasa dakong aking pupuntahan.

Ang hagdan na iyong inaapakan,

Ay ang problemang iyo nang nagpagdaanan,

Ang mga mata at boses ay simbolo sa mga taong ikaw ay kinakalaban,

Pinipilit kang diktahan sapagkat alam nila ang 'yong kahinaan.

Ayos lamang kung ikaw ay madapa,


Marahil lamang ikaw ay napapagod na,

Magpahinga ka lamang ngunit wag susuko,

Malapit mo nang makuha ang Gintong tropeyo.

Bilangin kung ilang beses ka nadapa,

Bilangin mo din ang beses kung pano ka tumayo sa sariling paa,

Magugulat ka,

Di mo mabibilang ang pagbangon sapagkat malakas ka.



39 views

© 2020 Yapak London