Elizabeth Jennifer Espina ng Pasay

YAPAK OFFICIAL Finalist 2 :Sa’yo na Lumalaban sa Corona, Karapat-dapat Sa’yo Ang Korona ni Elizabeth Espina ng Pasay




“Ako ay nagmula sa lugar na kilala bilang Travel City kung saan matatagpuan ang Ninoy Aquino International Airport, Mall of Asia, Cultural Center of the Philippines at Resorts Word Manila. Isang batang laking- Pasay City, ako si Elizabeth Jennifer Gabriela Espina. Sa totoo lang, dati noong ako’y bata pa ay wala talaga akong hilig sa usapang tula kahit napapabilang ako sa mga kompetisyon noong elementarya ng pagbigkas ng tula ngunit tila nag-iba ang aking pananaw pagtapak ko ng sekondarya. Unti-unti nang nagkaroon ng kahulugan para sa akin ang pagsulat ng tula, unti-unti nang nakapa ang mga nagtatagong talinhaga at unti-unti nang napamahal sa mga inuukit na salita.



Hanggang ngayon, ang pagsulat ang nagsisilbing aking pahinga. Nang makita ko ang kompetisyon na ito na binigyang buhay ng YAPAK, mas lalo akong nagkaroon ng tiwala sa sarili. Bukod sa alam kong magkakaroon ako ng tyansa na makapagbigay ng mensahe sa mga matatapang na Frontliners natin na nagsisilbing mga bayani ngayon sa panahon ng pandemya, ninais ko rin itong gawin alangalang sa suporta ng aking pamilya, mga kaibigan, ka-ibigan at syempre ng aking mapagmahal na ina. Para rin ito sa mga taong apektakdo ng Covid-19, patuloy na lumalaban sa kanilang buhay upang gumaling sa sakit na ito at sa bawat pamilya taong na hindi sumusuko. Kasama rin sa aking naging rason upang ipagpatuloy ang pagsali rito ay nang kilalanin kong mabuti ang mga layunin ng YAPAK at napahanga ako sa kanilang dedikasyon at nagkaroon ng interes upang maging parte ng komunidad kung saan nagtutulungan upang mapaunlad ang pagmamahal natin sa sariling larangan at sining.


Para sa mga kabataan na nagkakaroon ng duda sa sariling kakayahan o nawawalan na ng gana para gamitin ang talento katulad ng pagsulat, maaari kang magpahinga ngunit huwag kang tumigil. Ang talentong pinagkaloob ng Maykapal sa iyo ay hindi mo dapat itago, gawin ang mga paraan na makakatulong upang mapayabong mo pa ito.


Ang pagkakaroon ng tiwala sa sarili mong kakayahan ay magsisimula mismo sa’yo at walang makakapigil sa’yo kung bibigyan mo ng halaga ang talento mo. Kailanma’y hindi dapat maliitin ang panitikan at sining ng ating bansa dahil ito ang magpapayaman sa ating kultura.”











Ang YAPAK ay isang boluntaryong grupo na naka-base sa London, United Kingdom, at ang isa sa mga mithiin na makamtan nito ay ang magbigay ng pagkakataon sa mga kabataang manunulat na mailathala ang kanilang mga obra sa isang eBook, bilang pagpupugay sa mga bayaning PH Frontliners. Marami pa kaming mga proyekto na maaari mong salihan, i-like or follow mo lang ang page na ito @yapaklondon.


MABUHAY KA!





© 2020 Yapak London